(DAR photo)
Ipinagkaloob na ng Department of Agrarian reform ang P8.5 milyong halaga ng tulay sa mga magsasaka sa Diffun, Quirino.
Ayon kay DAR Cagayan Valley Regional Director Samuel Solomero, mas mapabibilis na ngayon ang pagbiyahe ng mga magsasaka sa kanilang mga produkto mula sa bukid patungo sa mga pamilihang bayan.
Ayon kay Solomero, hindi lamang ang mga magsasaka ang makikinabang sa tulay kundi maging ang mga residente.
“Ang dalawang-linya ng tulay ay ipinatupad sa ilalim ng proyektong ‘Tulay ng Pangulo para sa Kaunlarang Pang-Agraryo’ sa tulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng Provincial Government ng Quirino,” pahayag ni Solomero.
Idinagdag rin niya na ang mga materyales ng tulay ay galing pa sa bansang France kung saan ang bakal nito ay singtibay ng sa Eiffel tower.
Nagpasalamat naman si Diffun Mayor May Calaunan sa DAR sa pagbibigay sa kanilang bayan ng napakahalagang proyekto.
“Nagpapasalamat po ako kay Director Solomero, Secretary Bernie Cruz at Pangulong Rodrigo Duterte, gayundin sa mga tao sa likod ng proyektong ito, dahil malaking ginhawa ang dulot ng tulay na ito sa aming mga residente,” aniya.