Bagong mayor ng Tacloban nag-sorry sa tweet ng anak kontra kay Leni Robredo

 

Kuha ni Ricky Brozas
Kuha ni Ricky Brozas

Sa ngalan ng kaniyang anak, humingi na ng paumanhin sa publiko si Cristina Romualdez na kaka-proklama lamang bigang susunod na alkalde ng Tacloban City, dahil sa kontrobersyang kinasangkutan nito.

Sa kaniyang Facebook account, humingi na ng tawad si Cristina dahil sa tweet ng kaniyang 16-anyos na anak na si Sofia na umani ng maraming pag-puna sa social media.

Nag-tweet kasi si Sofia na walang alam at “bobo” si Rep. Leni Robredo na matinding katunggali ng kaniyang tiyuhin na si Sen. Bongbong Marcos sa vice presidential race.

Bilang ina at bilang isang Kristyano, sinabi ni Cristina na hindi niya pinapayagan ang mga ganoong uri ng pananalita.

Humingi na rin aniya ng tawad si Sofia at natuto na ng kaniyang leksyon, at posibleng hindi pa nito alam ang kaniyang ginagawa dahil sa murang edad.

Dagdag pa ni Cristina, minsan na silang nagkita ni Robredo sa burol ng asawa nito at naniniwala siyang hindi karapatdapat si Leni na makatanggap ng mga ganoong uri ng masasakit na salita.

Si Marcos ay pinsan ng ama ni Sofia na si incumbent Tacloban City Mayor Alfred Romualdez, na naka-iringan rin ng running mate ni Robredo na si Mar Roxas noong panahon ng pananalasa ng super bagyong Yolanda.

Read more...