1.6 milyon nalalabing boto, posibleng ‘swing vote’ sa VP race

 

Inquirer file photo

Nasa 1.6 na milyong boto na hindi pa naita-transmit sa Commission on Elections ang posibleng maging susi upang mabago pa ang takbo ng kasalukuyang eleksyon.

Partikular na magkakaroon ito ng epekto sa vice presidential race kung saan gitgitan ang laban sa pagitan nina senador Ferdinand Bongbong Marcos Jr. at Rep. Leni Robredo.

Ayon sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV, kung susumahin ang voter turnout sa nakaraang eleksyon, nasa 1.2 milyon ng mga local votes ang darating samantalang nasa 400,000 pa ang magmumula sa mga overseas absentee voters.

Sa pinakahuling update, as of 9:45 ng gabi, Miyerkules, nasa 13,968,884 na boto ang nakuha ni Leni Robredo samantalang 13,738,585 naman ang nakuha ni Sen. Marcos.

Samantala, ipinaliwanag naman ni PPCRV spokesperson Anna Singson, bumagal ang pagpasok ng data sa ikalawa at ikatlong araw matapos ang halalan dahil sa failure of elections sa ilang lugar.

Kinakailangan aniyang matapos muna ang mga special elections sa ilang barangay sa Lanao del Sur, Sulu, Northern Samar, Western Samar, at ilan pang lugar.

Read more...