PCG, PPA magkatuwang sa walang humpay na relief transport mission

Sa kabila ng naitalang 94 na bagong kaso ng COVID-19, magkatuwang ang Task Force Kalinga ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Ports Authority (PPA) sa walang humpay na relief transport mission sa pagpapadala ng relief goods sa mga nasalanta ng bagyong Odette.

Sa pamamagitan ng modern mechanized port handling services sa mga port hub, mababawasan ang exposure ng mga tauhan ng PCG sa nakahahawang sakit sa pagsasagawa ng manual hauling ng relief goods mula at sa mga barko nito.

Kasunod ito ng pagtutulak ng Department of Transportation – Philippines (DOTr) na mapanatili ang relief efforts sa kabila ng nararanasang COVID-19 surge.

Sa datos hanggang January 7, umabot na sa 94 PCG personnel ang nagpositibo sa nakahahawang sakit. Karamihan sa mga ito ay miyembro ng Task Force Kalinga at crew members ng Coast Guard ships.

Ligtas na dinala ang mga apektadong tauhan sa PCG Quarantine Facility sa Coast Guard Base Taguig para mabigyan ng atensyong medikal.

Dahil dito, humingi ng tulong si Task Force Kalinga Commander CG Rear Admiral Ronnie Gil Gavan sa PPA sa cargo operations.

Nagpasalamat naman si PCG Commandant CG Admiral Leopoldo Laroya kay PPA General Manager, Atty. Jay Daniel Santiago sa pagtugon upang maitulong ang humanitarian assistance at disaster response operations.

Base naman sa datos hanggang January 8, umabot na sa 1,851.6 na tonelada ng relief goods at critical supplies ang naibiyahe ng PCG para masuportahan ang rehabilitasyon ng mga apektadong pamilya ng bagyong Odette.

Read more...