May kaugnayan ito sa darating na 2022 National and Local Elections sa May 9, 2022.
Ipinag-utos ng PNP National Headquarters, sa pamamagitan ng Directorate for Operations, sa Police Regional Offices na magtalaga ng Joint PNP-COMELEC-AFP checkpoints para magsagawa ng weapons check at iba pang anti-criminality at police security operations, laban sa loose firearms, mapanganib na sandata, hindi awtorisadong security personnel, Private Armed Groups (PAGs), at mga wanted na indibiduwal.
Kung kakailanganin, isasama ang naturang checkpoint sa Quarantine and Border Control Points sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3 pataas.
Alinsunod sa Comelec Resolution No. 10728, sinuspinde ng PNP ang validity ng lahat ng inilabas na Permits to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) sa licensed firearm holders, juridical entities, at mga miyembro ng law enforcement agencies.
Sa ilalim ng naturang resolusyon, suspendido ang lahat ng pribilehiyong ibinibigay ng PTCFOR sa kasagsagan ng election period.
Maliban dito, suspendido rin ang mga permit na inilalabas ng pambansang pulisya para magdala ng armas, bala, pampasabog, public firearms display at exhibits, at maging ang employment ng security personnel para sa mga tinatawag na ‘VIP’.
Tanging ang mga lehitimong pulis, sundalo at miyembro ng law enforcement agencies na nakasuot ng kumpletong uniporme at naka-duty ang papayagang magdala ng armas sa panahon ng election period.
Apela ng PNP sa pulis, sumunod sa resolusyon ng Comelec na nagpapatupad ng 150-day firearms prohibition period.
Sinumang lumabag ay papatawan ng parusang pagkakakulong ng hindi bababa sa isang taon ngunit hindi hihigit sa anim na taon at sasailalim sa probation.
Maliban dito, magiging diskwalikipado na rin ang mahuling lumabag na magkaroon ng pwesto sa gobyerno at kanselasyon ng gun license.
Kasunod ng nararanasang national health emergency, magtatalaga ang PNP, katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG), ng sapat na pwersa upang matiyak ang ligtas at payapang eleksyon.
Hinikayat din ng pambansang pulisya ang publiko na maging mapagmatyag sa lahat ng oras para maiwasan ang pananamantala sa election period.