Naihatid ng Philippine Coast Guard (PCG), sa pamamagitan ng BRP Suluan (MRRV-4409), ang 11 tonelada ng relief supplies sa tatlong isla ng Bohol na sinalanta ng bagyong Odette.
Partikular na naabutan ng relief goods ang Balicasag Island, Pamilacan Island, at Tintinan Island.
Katuwang ng ahensya sa pamamahagi ng ayuda ang lokal na pamahalaan ng Bohol.
Sa tulong ng mga residente, mabilis naipamahagi ang 140 sako ng bigas, 102 bundle ng purified drinking water, at 70 sako ng de lata sa mga pamilyang apektado ng nagdaang kalamidad.
Sa datos hanggang Huwebes, January 6, umabot na sa 1,174.4 na tonelada ng relief goods ang naibiyahe ng PCG vessels at air assets.
Maliban dito, napadala na rin ng PCGA aircraft at private vessels ang 288.5 tonelada ng iba’t ibang suplay.
Dahil dito, pumalo na sa 1,462.4 na tonelada ng relief goods at critical supplies ang naibiyahe ng ahensya para sa rehabilitasyon ng iba’t ibang probinsya.