Bumuo ang Department of Education (DepEd) ng mga patnubay sa pagbibigay ng training sa Basic Life Support (BLS) para sa mga mag-aaral.
Kamakailan, inilabas ng kagawaran ang Implementing Rules and Regulation (IRR) para sa Republic Act 10871 o “Basic Life Support Training in Schools Act” na sakop sa lahat ng pampubliko at pribadong basic education schools at institusyon, kasama ang Alternative Learning Systems (ALS) learning centers.
“Life support training is a vital life skill that provides students with the knowledge of dealing with medical emergencies,” pahayag ni Sec. Leonor Briones.
Dagdag nito, “A prompt and appropriate first aid can save a life and empowering our children with this basic skill could mean more lives can be saved in times of emergency or disaster.”
Sa ilalim ng IRR, isasama ng DepEd ang training programs na binuo ng Department of Health (DOH), Philippine Heart Association (PHA), at Philippine National Red Cross (PNRC).
Dapat gumamit sa nasabing pagsasanay ng nationally-recognized at evidence-based guidelines para sa emergency cardiovascular care at psychomotor training na sumusuporta sa age-appropriate instructions.
Isasama rin ng mga paaralan ang BLS training bilang bahagi ng komprehensibong health and physical education curriculum. Pwedeng isama ang subjects sa BLS training ngunit hindi limitado sa science, health, at physical education.
Kailangan ding maging gender at culture-sensitive at alinsunod sa DepEd Child Protection Policy and Program ang nasabing BLS curriculum.
Ayon sa kagawaran, maaring matuto ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng psychomotor training sa age-appropriate na upang mapagbuti ang physical skills tulad ng paggalaw, koordinasyon, manipulasyon, dexterity, lakas, at bilis na gabay ng mga senyales mula sa kapaligiran.
Titiyakin din ng DepEd na kukunsultahin ang mga ahensiya ng gobyerno at stakeholders sa pagbuo ng mga materyales sa pagtuturo at pagkatuto.
Hinikayat naman ang mga paaralam na makipagtulungan sa iba pang eskwelahan, lokal na pamahalaan, o ahensya ng gobyerno at pribadong organisasyon na may kinakailangang probisyon, pasilidad, at kagamitan para sa maayos na implementasyon nito.
“This could also provide BLS training to all DepEd personnel, especially to our Physical Education and Health teachers, to make them more efficient and effective in conducting BLS training to our learners,” dagdag ni Briones.