Seniors, PWDs, A3 dapat nang payagang mag-walk in sa vaccination sites – SC partylist solon

Muling nanawagan si Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo Ordanes sa mga lokal na pamahalaan na payagan na ang mga nakakatanda na mag-walk in sa vaccination sites.

Sinabi nito na malaking hadlang para sa senior citizens ang online registration at dapat ay payagan na rin na sa vaccination sites na magparehistro maging ang mga persons with disability at ang mga nasa A3 category.

Binanggit nito ang inihayag ng Department of Health (DOH) na 1.5 milyong seniors ang hindi pa rin nababakunahan ng proteksyon laban sa COVID-19.

Sa 5.63 milyon na fully vaccinated sa nakakatandang populasyon, 499,361 ang naturukan na ng booster shots at may 4.92 milyon pa ang may first dose.

“Still, some LGUs insist on online registration for all seeking COVID vaccines. Please, let the seniors, PWDs and A3 get ahead because they are at higher risks of suffering and death than most others,” diin ni Ordanes.

Sabi pa ng namumuno sa House Special Committee on Senior Citizens, kailangan na kailangan na ng mga nakakatanda ang bakuna dahil sila ang mas delikado sa Delta at Omicron variants ng 2019 coronavirus.

Dagdag pa niya, hindi na kailangan pang ibalik ang mandatory use ng face shield at dapat ay panatilihin na lamang ang boluntaryong paggamit nito.

Read more...