Mga biktima ng paputok, umakyat sa 167 – DOH

Nadagdagan pa ang bilang ng mga biktima ng paputok kasabay nang pagsalubong sa Bagong Taon, ayon sa Department of Health (DOH).

Nabatid na ang naitalang 167 firework-related injuries ay mataas sa naitalang 120 insidente noong 2020, bagamat mababa ng 59 porsiyento sa naitalang five year average na 403 cases.

Ibinahagi ni Usec. Ma. Rosario Vergeire, tagapagsalita ng DOH, 37 sa mga nasugatan ay dahil sa kwitis, hindi nadeterminang paputok (25), boga (15), luces (13) at five star (12).

Dagdag pa ni Vergeire, 17 sa mga biktima ay nasabugan o nasunog at kinakailangan na maputulan ng bahagi katawan, 110 naman ang hindi na kailangan pang putulan at 44 ang nagtamo ng pinsala sa mata.

Samantala, 55 sa mga biktima ay nasugatan sa kamay, 23 naman sa ulo, 20 sa braso at 19 sa binti.

Base pa rin sa ulat, 91 sa mga kaso ay nangyari sa bahay, 74 sa kalsada, tig-isa sa lugar ng trabaho at basketball court.

Read more...