Naniniwala si Tanauan, Batangas Mayor Tony Halili na may bisa ang ipinapatupad niyang “shame campaign”.
Patunay nito ayon kay Halili ay ang bumabang insidente ng krimenalidad sa kanyang lungsod.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, ipinagmalaki ni Halili na dalawang magnanakaw na ang ipinarada niya sa palengke bitbit ang placard na may nakasulat na mensaheng “Ako ay magnanakaw”.
Sunud-sunod anya ang nakawan sa mga palengke sa Tanauan at hindi lang sa kanilang bayan nagnanakaw ang mga nahuling suspek kaya ipinapahiya nila ito sa taumbayan.
“Ipinapasyal ko ang magnanakaw sa palengke para magsilbing aral at mula noon ay nawala na ang nakawan sa palengke sa Tanauan,” ani Halili.
Bukod anya sa mga suspek sa pagnanakaw ay naglalagay din ng mga impormasyon at litrato ng mga drug pusher at drug addict sa Facebook account ng Tanauan City Government para makita ng publiko ang mga tao na dapat iwasan.
Inihalintulad ni Halili ang ginagawa niyang pamamahiya sa mga kriminal sa paglabas sa telebisyon ng mga litrato ng mga senador na sangkot sa pagkamkam ng pondo ng bayan.
“Isang deterrent ang paglabas ng larawan ng mga dawit sa katiwalian at katulad ito ng aking pamamahiya sa mga magnanakaw dahil maiisip ng mga pulitiko at kriminal na kapag sila ay gumawa ng hindi maganda ay mapapahiya sila,” pahayag ni Halili./ Len Montano