Sen. Hontiveros, nagpiyansa sa ‘wiretapping case’

Nagbayad ng P36,000 si Senator Risa Hontiveros bilang piyansa sa kinahaharap na wiretapping case base sa reklamo ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.

Kasunod ito nang pagpapalabas ng arrest order laban sa kanya ng isang korte sa Pasay City noong Lunes, Disyembre 27.

“Kakampi natin ang batas at ang katotohanan. Protektado ng mismong Konstitusyon ang lahat ng aspeto ng aking privilege speech sa Senado, kaya panatag akong wala akong kahit anong paglabag sa Anti-Wiretapping Law,” diin ng senadora.

Kinuwestiyon din niya ang pag-usad ng reklamo makalipas ang apat na taon at aniya, pagsasayang lamang ito ng pondo ng bayan sa walang kuwenta ang reklamo sa kanya.

“Malinaw na black propaganda lang itong kaso na ito ni Mr. Aguirre at ng mga kasabwat niya. Pero kung akala nila na maduduwag ako, doon sila nagkakamali. Hindi ko papalampasin ang lahat ng nasa likod nitong pang-gugulong ito. This entire case is unfair, unjust, and a sham,” sambit pa ni Hontiveros.

Read more...