Hinimok ni Senator Sherwin Gatchalian ang Department of Trade and Industry (DTI) na pag-ibayuhin ang information campaign sa mga nasalanta ng bagyong Odette ukol sa inaalok nilang pautang.
Sinabi nito na ang ‘soft loans’ ay maaring magamit ng mga maliliit na negosyo sa kanilang pagbangon at maiwasan pa na umutang sila na may malaking interes.
“Bago pa samantalahin o mahikayat ng mga iligal na nagpapautang ang sitwasyon ng mga pinadapang negosyo ng bagyong Odette, dapat nating ipaalala sa mga negosyong ito lalo na ang mga MSMEs na may pondo at programa ang gobyerno para sa kanila,” sabi nito.
Aniya, ang mga maliliit na negosyo ay maaring makautang ng ‘collateral-free’ sa Small Business Corp. sa pamamagitan ng Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso (PR) Program.
“Ang importante ngayon ay magkaroon sila ng pang kapital upang makabalik sila uli sa pagnenegosyo nang sa gayon ay maisalba ang mga trabaho at mapigilan din ang posibleng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin,” dagdag pa ni Gatchalian, na bumisita at nagbigay tulong sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao na labis na nasalanta ng bagyo.
Una nang inanunsiyo ni Trade Sec. Ramon Lopez na may paunang P200 milyon para sa pagbangon ng mga maliliit na negosyo.