Ilang araw bago ang selebrasyon ng Bagong Taon, nakapagtala na ng Department of Health (DOH) ng 19 fireworks-related injuries sa bansa.
Sa press briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na naitala ang nasabing datos hanggang 6:00, Lunes ng umaga (December 27).
Mas mataas ito ng 58 porsyento kumpara sa naitalang 12 kaso noong 2020 habang 67 porsyento namang mas mababa sa five-year average na 58 kaso sa kaparehong petsa.
Sa 19 kaso, pito ang naitala sa Region 6 o Western Visayas.
Walang napaulat na nakalunok ng paputok, ligaw na bala, at pagkasawi.
Ayon pa kay Vergeire, 16 sa mga nasugatan ay dahil sa ilegal na paputok.
Itinulak naman ng DOH ang Iwas Paputok campaign para sa mas ligtas na selebrasyon ng Bagong Taon.
Hinikayat din ni Vergeire ang publiko na manatilihin ang pagsunod sa minimum health public standards.