Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa nasisimulan ang COVID-19 vaccination sa mga batang may edad lima hanggang 11 taong gulang.
Sinabi ng kagawaran na isinasagawa na ng preparasyon para sa ilalaang bakuna sa naturang age group.
Iaanunsiyo ng National COVID-19 Vaccination Operations Center (NVOC) ang eksaktong petsa kung kailan sisimulan ang inoculation drive oras na magkaroon ng angkop na COVID-19 vaccine at syringe para sa mga bata.
“While waiting for COVID-19 vaccines to be rolled out for this pediatric group, we recommend that children complete their routine immunization,” saad ng DOH.
Paliwanag ng kagawaran, layon nitong maprotektahan ang mga bata laban sa mas nakahahawa at nakamamatay na sakit tulad ng tigdas, rubella, tetanus at diphtheria.