Nang dahil sa hindi pa malamang rason, nabiktima ng food poisoning ang mahigit 100 katao, kabilang ang ilang empleyado ng pamahalaang panlalawigan, sa isang pagtitipon sa Quezon Convention Center, araw ng Miyerkules.
Sa datos, umabot sa 111 ang bilang ng mga nalason na ini-admit sa Quezon Medical Center sa Lucena.
Kaanib umano ang mga ito ng Provincial Union of Leaders against Illegalities (PULI) at Luntiang Katipunero (LK) at nagmula pa sa mga bayan ng Infanta, Tagkawayan, Tiaong, Calauag, Guinayangan, San Francisco, Dolores, Pagbilao, Lucban, Atimonan, Perez, Panukulan, Candelaria, Mauban, Lopez, Sariaya, Paridel, Burdeos, Perez, Polillio, Sariaya, Quezon, Quezon, Lucena at Tayabas.
Base sa ulat, nangyari ang insidente sa gitna ng payout ng honorarium sa may 4,000 kasapi ng PULI at LK.
Makaraang mag-almusal ng pritong itlog, hotdog at kanin, bigla umanong nakaramdam ng pagkahilo hanggang sa nagsuka ang mga biktima.
Isinugod ang mga biktima sa Quezon Medical Center.
Sa kanyang Facebook account, nag-sorry si Governor Danilo Suarez sa mga nalason at sinabing isolated cases lamang ang mga ito.
Sa ngayon, inaalam pa kung totoo ang ulat na ang catering services na ginamit sa okasyon ay pag-aari umano ni Tina Talavera na siyang umaaktong hepe ng Provincial General Services Office.