Mga biktima ng panghaharas at pananakot sa QC, nagpasaklolo sa PCUP

 

(Facebook post of Undersecretary Alvin Feleciano)

Dumulog sa Presidential Commission for the Urban poor ang mga residente ng Don Antonio Street, Villa Beatriz, Barangay Matandang Balara sa Quezon City dahil sa umano’y pananakot at pangha-harass ng mga gwardiya.

Ayon kay PCUP chairperson at chief executive officer Undersecretary Alvin Feleciano, tinulungan na ng kanilang hanay at nagsagawa na ng monitoring at validation activity para mapahupa ang komosyon.

Ayon sa salaysay ng mga nasabing residente, sa 20 taon nilang paninirahan sa lugar, ngayon lamang may sumulpot na claimant na nagpakilalang may-ari ng lupa at sapilitan silang pinapaalis sa pamamagitan ng patuloy na pananakot at paglalagay ng presensya ng mga gwardiya sa lugar.

Inaalok din umano sila ng pera para lisanin ang kanilang mga kabahayan ngunit kanila itong tinanggihan dahil alam nilang hahantong lamang ito sa tuluyang pagkawala ng kanilang mga tirahan.

Dagdag pa nila, karamihan sa mga naninirahan doon ay naapektuhan na rin ang hanapbuhay dahil sa pangamba at takot na dala ng mga armadong tauhan ng nagpapakilalang may-ari ng lupa kaya’t lumapit na sila sa PCUP para humingi ng tulong na alisin ang presensya ng mga gwardiya sa lugar para na rin sa kanilang kapanatagan.

Ayon kay Feleciano, ipinatawag na ang mga apektadong pamilya para sa isang consultation at dialogue kasama ang Legal Team ng Komisyon at mabigyan ng agarang solusyon ang kinakaharap nitong suliranin sa paninirahan gayundin ay magkaroon pa ng mas malalim na imbestigasyon patungkol sa kaso.

Wala namang ibinibigay na pahayag ang kampo ng umaangkin ng lupa.

 

Read more...