Umabot na sa 326 katao ang bilang ng mga nasawi habang 58 ang nawawala matapos manalasa ang Bagyong Odette sa bansa.
Base sa talaan ng National Disaster Risk and Management Council, 661 ang bilang ng mga nasugatan sa Palawan, Visayas at Mindanao.
Karamihan sa mga nasawi ay mula sa Bohol na mayroong 96 katao.
Sumunod naman ang Negros Oriental na nakapagtala ng 66 katao na nasawi at Cebu na may 58 katao.
Nilinaw naman ng NDRRMC na sa 326 na nasawi, 312 pa lamang ang validated.
Karamihan sa mga nasawi ay nabagsakan ng puno at debris.
Aabot naman sa 3.3 milyon katao o 870,000 na pamilya ang naapektuhan ng bagyo.
Ito ay galing sa Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanva, Northern Mindanao, Soccsksargen, Caraga at Bangsamoro.
Sa ngayon, nasa 352,000 na katao pa ang nanatili sa ibat-ibang evacuation centers.
Aabot naman sa mahigit 348,000 na bahay ang nasira.
Nasa mahigit P2 bilyong halaga ng agrikultura at P3 bilyong halaga ng imprastraktura ang nasira.
May mga lugar pa ang wala pang suplay ng kuryente, tubig at internet.
Gayunman, lahat ng limang airport na nasira ng bagyo ay operational na.