Ibinahagi ni Senator Christopher Go na ikinukunsidera na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdedeklara ng state of calamity sa mga lugar na labis na nakaranas ng pananalasa ng bagyong Odette.
Aniya, ito ay para na rin magkaroon ng ‘price freeze’ sa mga nasalantang lugar at kasabay nito ang utos ni Pangulong Duterte sa Department of Trade and Industry (DTI) na tutukan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Nabanggit ng senador na may mga ulat na 100 porsiyento ang itinaas ng presyo ng power generators.
Pagdidiin pa nito, ang pangunahing iniintindi ni Pangulong Duterte ay magtuloy-tuloy ang pagbibigay tulong sa mga biktima, kayat pinalilinis at pinaaayos na sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang lahat ng mga kalsada.
Gayundin ang pamimigay sa mga naputol na puno sa mga lokal na pamahalaan para magamit na materyales sa pagpapatayo muli ng mga bahay.
Ibinahagi pa ni Go na inatasan naman ang Department of Energy (DOE) na ibalik ang suplay ng kuryente sa pinakamabilis na panahon at pinaaasikaso naman sa Department of Information and Communication Technology (DICT) ang telecommunications at network connectivity.
Pinamamadali naman aniya sa Department of Transportation (DOTr) ang pagsasaayos ng napinsalang airports at seaports para sa mas mabilis na pagpapadala ng mga tulong.
Pinatitiyak na rin ni Pangulong Duterte sa Department of Finance (DOF) na may sapat na pondo para sa rehabilitasyon ng mga nasalantang lugar.