Sakit sa puso, cancer nangungunang dahilan ng pagkamatay sa bansa

Nanatili ang mga sakit sa puso at cancer ang pangunahing dahilan ng kamatayan sa bansa mula Enero hanggang nitong Setyembre, base sa inisyal na ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA). Ayon sa PSA, ang Ischemic heart diseases, cerebrovascular diseases, at cancer ang Top 3 at hindi ito nagbago sa katulad na panahon noong nakaraang taon. Sa unang siyam na buwan ng taon, 91,152 ang namatay sa bansa dahil sa ischemic heart diseases o 18.5 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga namatay. Ang bilang ay tumaas ng 18.7 porsiyento mula sa 76,782 o 16.9 porsiyento ng kabuuang bilang ng nasawi noong Enero hanggang Setyembre 2020. Samantala, tumaas naman ng 3.6 porsiyento ang mga namatay bunga ng cerebrovascular diseases, 49,063 (9.9%) mula sa 47,355 noong 2020. May 42,633 naman ang namatay dahil sa ibat-ibang uri ng cancer. Ang COVID 19 naman ang pang-apat, sa bilang na 34,361 namatay, mula sa 6,042 noong nakaraang taon. Pang-limang pangunahing dahilan ng kamatayan sa bansa ay diabetes, na ikinamatay na ng 32,057.

Read more...