Umaapela si presidential aspirant at Manila Mayor Isko Moreno sa Insurance Commission na bilisan ang pagproseso sa insurance claims sa mga nabiktima ng Bagyong Odette.
Kailangan kasi aniya ang mabilisang aksyon para agad na makabangon ang mga nasalanta ng bagyo.
“Ako po ay nananawagan sa Insurance Commission na pabilisin ang pag-proseso ng claim ng insurance para makatulong sa ating mga kababayan na nabiktima ng Bagyong Odette. Yung kanilang mga bahay at negosyo ay wasak, kaya kailangan maging mabilis ang aksyon ng mga insurance company,” pahayag ni Moreno.
Hindi lang aniya ang insurance ang dapat na mabilis kumilos kundi lalo na ang pamahalaan.
“At yung ating gobyerno na ating ianaasahan ay dapat mabilis ang kilos at yung mga insurance company dapat maibigay agad yung claim nung mga biktima dahil napakahirap ng buhay sa lugar na binagyo ni Odette,” pahayag ni Moreno.
Ang Insurance Commission ay nasa ilalim ng administrative control ng Department of Finance.
“Ito ay makakapagbigay ng tulong sa mga pamilyang nasira ang tahanan at negosyo sa kanilang mga lugar,” pahayag ni Moreno.