Hinikayat ni Senator Francis Tolentino ang Malakanyang na pakilusin ng mabilis ang National Electrification Administration (NEA), gayundin ang Local Water Utilities Administration (LWUA) para sa pagsasaayos ng mga linya ng kuryente at tubig na napinsala ng bagyong Odette.
Ayon kay Tolentino kailangan ay hingiin ng Palasyo mula sa NEA at LWUA ang lahat ng kanilang mga kakailanganin para mapabilis ang pagtugon sa mga nasalantang lugar.
“Alam niyo po executive action na ito eh, kailangan ito kaninang madaling araw pinagrereport na ang mga ‘yun, anong status na nyan? Anong electric cooperative ‘yan, ano ang maitutulong ng national government para maitayo ang mga poste? Ilang mga crane ang kailangan ninyo?” sabi pa ng senador.
Bukod pa diyan, maari din makipag-ugnayan ang gobyerno sa Philippine Contractors Asso. (PCA) para sa isasagawang clearing operations at marami sa kanila ang maaring makatulong sa Leyte, Samar, Cebu at Surigao.
“Dapat po iyan i-mobilize para sa road clearing, hindi lamang po ang DPWH ang magki-clear pati pribadong sektor. Isang kumpas lamang dapat ‘yan ng mga concerned agencies, nandoon na rin po ang mga operator nila, dun na rin naka-barracks ‘yun kaya mabilis-bilis na ang pagkilos,” sabi pa ni Tolentino.