Ipinag-utos ni Transportation Secretary Art Tugade sa lahat ng ahensya at pasilidad ng Department of Transportation (DOTr) na maghanda sa Bayong Odette.
“We need to be ready for this storm. Let us monitor closely and coordinate all action with all the other concerned government agencies so that those who are going home to their provinces to spend the Christmas holidays will be safe,” pahayag ng kalihim.
Kasunod nito, ikinasa na ng mga paliparan, sa pamumuno ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), ang kanilang weather emergency standby protocols.
Sinimulan na ng CAAP ang pagbabantay sa naturang bagyo, maging ang kondisyon sa iba’t ibang paliparan.
Nagsasagawa ng assessment ang ahensya sa posibilidad na pagsuspinde ng air traffic operations sa mga lugar na maaring tamaan ng bagyo.
Samantala, tumugon na rin ang Philippine Ports Authority (PPA) sa mga abiso ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa PPA, bukas pa rin ang mga pantalan ngunit suspendido na ang paglalayag sa mga lugar na maaapektuhan ng Bagyong Odette.
Alinsunod sa kahilingan ng Office of Civil Defense (OCD) sa Bicol Region, ipinag-utos na ng Land Transportation Office (LTO) ang suspensyon ng land travel sa Visayas at Mindanao.
Suspendido rin ang land travel patungong Catanduanes at Masbate simula 9:00, Martes ng umaga.
Layon nitong maiwasan ang pagsisikip ng mga sasakyan sa Maharlika Highway at Port of Matnog sa Sorsogon, at iba pang pantalan sa Bicol Region.
Sinabi ng LTO na mananatili ang suspensyon ng land travel sa mga apektadong lugar hangga’t hindi naaalis ang Tropical Cyclone Warning Signal.
Samantala, sinimulan na ng PCG units ang paghahanda sa posibleng evacuations, rescue operations at pagpapadala ng tulong.
Inaasahang magla-landfall ang bagyo sa bisinidad ng Caraga-Eastern Visayas sa Huwebes ng hapon o gabi (December 16).