Sinabi ng kagawaran na iniulat ng University of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC) at University of the Philippines – National Institutes of Health (UP-NIH) ang dalawang kaso ng bagong variant mula sa 48 samples noong Martes.
Dumating ang unang pasyente na isang Returning Overseas Filipino (ROF) mula sa Japan sa pamamagitan ng Philippine Airlines flight number PR 0427 noong December 1.
Nakolekta ang sample nito noong December 5 at lumabas ang positibong resulta noong December 7 kaya’t agad itong inilipat sa isolation facility.
Ayon sa DOH, may ubo’t sipon ang pasyente nang dumating sa bansa ngunit asymptomatic na ito ngayon.
Samantala, nakarating naman ng bansa ang isa pang pasyente na Nigerian national mula sa Nigeria via Oman Air with flight number WY 843 noong November 30.
Nakuha ang sample nito noong December at lumabas ang resulta noong December 7.
Agad dinala ang pasyente sa isolation facility.
Sa ngayon, asymptomatic ang lagay ng naturang dayuhan.
Tiniyak naman ng DOH na naka-isolate ang mga pasyente na may dala ng Omicron variant.
Inaalam na rin ng kagawaran ang posibleng close contacts ng dalawang pasyente, kabilang ang mga pasahero sa dalawang flight.
Kasunod nito, hinikayat ng DOH ang publiko na sundin pa rin ang minimum public health standards.
Pinaiiwas din ang publiko sa mass gathering upang mapigilan ang pagkalat ng nakahahawang sakit.
Hinikayat din ng kagawaran ang publiko na pagpabakuna upang magkaroon ng dagdag-proteksyon laban sa COVID-19.