Pinayuhan ng senador ang publiko na magpagamot kapag kinakailangan, kasabay ng pagsasagawa ng kanyang team ng pamamahagi ng tulong sa Aeta community sa Bamban, Tarlac.
Sa video message, nagpahayag ng pagkabahala si Go dahil maraming Filipino ang pinatatagal ang pagpapagamot bunsod ng pangamba na mahawaan sila ng COVID-19 sa mga ospital o di kaya naman ay magbayad sila ng mahal.
“Maraming Pilipino sa ngayon ang lumalala ang kondisyon dahil ayaw nila magpa-check up at wala silang pambayad,” saad ni Go.
“Kung mayroon man na walang pambayad o hindi kayang gamutin diyan, magsabi lang kayo at kami na ni Pangulong (Rodrigo Duterte) ang sasalo sa inyo. Huwag kayong mahiyang lumapit sa amin dahil trabaho namin ang makatulong sa inyo,” pagtitiyak ng senador.
Namahagi ang mga tauhan ni Go ng mga pagkain at masks sa kabuuang 120 na benepisyaryo sa Function Hall sa Barangay San Vicente.
Ilang benepisyaryo rin ang binigyan ng bagong sapatos o bisikleta habang ang iba ay pinagkalooban ng computer tablets para sa kanilang mga anak upang magamit sa blended learning activities.
Pinayuhan din ng senador ang mga nangangailangan ng medical assistance na magtungo sa Malasakit Center sa Tarlac Provincial Hospital sa Tarlac City.
“Kung kulang ang tulong na ibinigay ng mga ahensya, may pondo na iniwan diyan ang Office of the President para maging zero balance o wala na kayong babayaran sa inyong pagpapagamot. Wala itong pinipili. Basta Pilipino at poor o indigent patient ka, qualified ka sa Malasakit Center,” pagpapatuloy ni Go.
Pinaalalahanan din ng mambabatas ang mga katutubo na palaging mag-ingat at magpabakuna kontra COVID-19 sa lalong madaling panahon. Tiniyak din nito na binibilisan ng pamahalaan ang vaccine rollout sa buong bansa upang matiyak na walang maiiwan.
“Mayroon lang ho kaming pakiusap ni Pangulong Duterte sa inyo, ‘wag kayong matakot sa bakuna, matakot kayo sa COVID-19. Ang bakuna ang solusyon para makabalik na tayo sa ating normal na pamumuhay katulad noon. Magtiwala tayo sa gobyerno dahil ginagawa nito ang lahat sa abot ng makakaya nito upang malampasan natin ang krisis na ‘to,” dagdag pa niya.