Umaapela ang Palasyo ng Malakanyang sa Department of the Interior and Local Government (DILG), maging sa local government units na tiyaking nasusunod ang itinakdang health protocols tuwing may campaign caravans na isinasagawa sa kani-kanilang mga lugar.
Ayon kay Cabinet Secretary at acting presidential spokesman Karlo Nograles, sayang naman ang effort ng LGUs na mapababa ang kaso ng COVID-19 kung sa isang idlap lamang ay lolobo na naman ang bilang ng mga matatamaan ng virus.
Nanawagan din ang Palasyo sa publiko na mag-ingat sa pagdalo sa mga caravan. Tiyaking bakunado at protektado laban sa virus.
Sinabi pa ni Nograles na nakabantay naman ang DILG at LGUs para bigyan ng parusa ang mga dapat parusahan na hindi susunod sa health protocols.
Matatandaang dinumog mga tagasuporta ang magkakasunod na caravan nina Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Sen. Manny Pacquiao sa Quezon city.
Nagdulot ito ng mabigat na daloy ng trapiko sa mga motorista.