Sa pagsusumikap ng Department of Education (DepEd) na makabawi ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral, sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian na dapat ay bigyan pansin din ang social and emotional development ng mga bata.
Sinabi nito na sa mahigit isang taon na hindi nakapasok sa mga eskuwelahan ang mga bata, naapektuhan din ang kanilang social skills.
“Nakita natin na mahalaga ang face-to-face classes hindi lang dahil sa academics, dahil dito na sila natututo pagdating sa kanilang social skills,” ayon kay Gatchalian.
Ilang eskuwelahan ang binisita ng namumuno sa Senate Committee on Basic Education nang ikasa sa Metro Manila ang pilot testing ng limited face-to-face classes.
Ngayon taon, inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 2355 o ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act para mapagtibay pa ang learning recovery program.
Layon ng panukala na matulungan ng husto ang mga nahihirapan na mag-aaral at para na rin makapag-focus ang mga estudyante sa Language, Mathematics at Science.