Hiningi ni Senate Minority Leader Frank Drilon ang opinyon ng mga resource persons na dumalo sa pagdinig sa Senado kung dapat bang kilalanin ng social media platforms ang mga trolls.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments, ikinatuwiran ni Drilon na kung makikilala lamang ang mga internet trolls maaring mabalanse ang sinasabing freedom of speech at ang kanilang responsibilidad sa paggamit ng naturang kalayaan sa internet.
“In traditional media, we do not censor, but we make those responsible for defamatory language. We make them responsible under our revised penal code for defamation. In the development that we have because of technology, you cannot avail of this right because of the anonymity of the authors,” diin ni Drilon.
Aniya kahit sino na lamang ay binabanatan ng mga social media trolls dahil maari naman silang magtago sa ibang pagkatao.
Ayon naman kay Sen. Francis Tolentino, na namumuno sa komite, sa kabila ng pagsulong ng teknolohiya, kinakailanhan ang mga batas ay patuloy na magbibigay proteksyon sa lahat laban sa lahat ng uri ng pang-aabuso sa social media.
Nabanggit pa nito na nagagamit kahit sa mga ilegal na aktibidad ang social media.