Sa kabila ng sarili niyang pagsusumikap at pakikipaglaban para sa kanyang kalayaan, ipinangako ni Senator Leila de Lima na ipagpapatuloy ang pagsusulong para mabigyan ng hustisya ang mga kapwa niya political prisoners.
Sa kanyang mensahe sa paggunita sa Political Prisoners’ Day kamakailan, sa kanyang mahigit apat na taon na pagkakakulong, mas naintindihan niya ang mga hamon na kinahaharap ng mga political prisoners.
“Noong unang mga buwan ko dito sa Camp Crame, lubos po akong nag-aalala. Hindi po sa takot sa maaring gawin sa akin ng rehimen, kundi sa pangamba na baka dumating ang araw na hindi na natin makikita ang ating mga mahal sa buhay; yung pangamba na sa pagdaan ng panahon, baka tuluyan na tayong mabaon sa limot,” sabi pa ni de Lima.
Ikinunsidera si de Lima na pinaka-prominente sa mga political prisoners ngayon administrasyong-Duterte.
Sabi pa nito, kumpara sa kanyang kondisyon, mas may masasahol pa ang kalagayan dahil halos lahat ng mga political prisoners ay nakikipag-siksikan sa mga kulungan dahil sa pakikipaglaban sa kanilang prinsipyo.
Umaasa na lamang si de Lima na darating ang panahon na lahat sila ay mapapawalang-sala sa mga kasong isinampa laban sa kanila.