Sen. Manny Pacquiao: Ang pera na ipinamimigay natin ay hindi ninakaw!

Sa halip na batikusin ang kanyang ginagawang pagtulong sa kanyang pagbisita sa ibat-ibang bahagi ng bansa, hinikayat ni Senator Manny Pacquiao ang mga pulitiko na gawin na lamang din ang kanyang ginagawa.

Sa pagbisita niya sa mga lungsod ng San Pedro, Biñan at Sta. Rosa sa Laguna, binitiwan niya ang kanyang tinawag niyang ‘ayuda challenge’ sa mga kapwa pulitiko sa katuwiran ngayon marami ang naghihirap dahil sa pandemya ang tamang panahon para tumulong.

Bukod dito, panahon din aniya ng pagtulong ngayon Kapaskuhan.

Muli niyang iginiit na dalawang dekada na siyang nagbibigay-tulong sa mga Filipino.

“Hanggat hindi pa dumadating yung time ng official campaign period, yung pagtulong natin sa kapwa, sa taumbayan ay matagal ko ng ginagawa. Magpapatuloy yan hanggang sa pagbawalan tayo ng Comelec, susunod tayo. Pero nasa puso ko na ang pagtulong mula pa noon,” diin ng presidential aspirant.

Dagdag pa niya; “yung mga kritiko, gawin na lang nila. Itong perang pinamimigay natin hindi naman ito ninakaw. Alam naman ng taumbayan kung saan galing ito. Ito ay biyaya ng Panginoon sa atin at ibinabahagi natin sa taumbayan.”

Diin pa niya kung inggit lang ang umiiral sa mga bumabatikos sa kanyang ginagawa, ipamahagi na lang nila ang pera dahil ito naman ay para talaga sa taumbayan.

Read more...