Sen. Bong Go nakiusap sa mga supporters na itigil na ang pangampanya

Umapila na si Senator Christopher Go sa kanyang mga tagasuporta na tigilan na ang pangangampanya para sa kanya, kasama na ang pagkakabit ng mga tarpaulins at billboards ng kanyang pagkandidato sa pagka-pangulo.

Bukod dito, nakiusap din sa kanila ang umatras na presidential candidate na huwag nang magtungo at magtipon-tipon sa tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Maynila.

“Sinabi naman ng COMELEC na hanggang May 9 ay puwede formally mag-withdraw. But, as a matter of principle, do not consider me as a candidate anymore dahil nakapagsalita na ako. Ang nagmamadali lang naman dito ay ang mga kalaban. Huwag na kayo magduda dahil nagpapakatotoo po ako sa tunay na saloobin ko,” sabi ni Go.

Pagdidiin ng senador, paninindigan niya ang inanunsiyong hindi na siya lalahok sa 2022 elections dahil sa pagtutol ng kanyang pamilya.

Asahan na sa paglipas ng mga araw at hanggang hindi pa pormal na binabawi ni Go sa Comelec ang kanyang kandidatura ay patuloy lang niyang ipapaliwanag sa kanyang mga tagasuporta ang kanyang naging desisyon.

“Tulad ng sabi ko, nagreresist po talaga ang aking puso at isipan sa pagtakbo as president. Kung desidido akong tumuloy, sana hindi ko na idineklara na magwiwithdraw ako. Relax lang po kayo. Sana ay respetuhin niyo na lang ang kahilingan ko,” dagdag apila pa nito.

Read more...