Para mabawasan ang posibilidad na sila ay mahawa ng COVID-19, pinag-iisipan na bigyan na lamang ng mga trabahong-administratibo ang mga pulis na hindi pa natuturukan ng bakuna.
Base sa huling datos, 1,808 o wala ng isang porsiyento ng higit 223,000 pulis sa bansa ang hindi pa nababakunahan.
Nasa halos 400 sa kanila ang buntis, 299 ang may kadahilanang medikal, 194 ang may allergies, 63 ang breasfeeding mothers, 69 naman ang idinahilan ang kanilang relihiyon at may siyam na nasa quarantine.
Nabatid na 212,080 pulis ang fully vaccinated na, samantalang 11,788 naman ang nakatanggap na ng kanilang first dose.
Paglilinaw naman ni PNP Chief Dionardo Carlos hindi maaapektuhan ang promosyon ng mga pulis ng kanilang vaccination status.
“Wala namang requirement sa promotion and schooling na hindi pwede kapag unvaccinated ka so we will not do that. Vaccination is not anymore a matter of personal choice, but a matter of public interest for the common good. We do not want to put them at risk,” sabi ng hepe ng pambansang pulisya.
Sa 42,213 pulis naman na tinamaan ng COVID 19, 42,053 ang gumaling, samantalang 125 naman ang namatay.