Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na haharap sa preliminary investigation ang 17 pulis na inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) na makasuhan kaugnay sa ‘Bloody Sunday’ operations noong nakaraang Marso.
Kasabay nito, tiniyak din ni PNP spokesman, Col. Roderick Alba ang kanilang kooperasyon sa lahat ng proseso kaugnay sa pag-iimbestiga sa pagkamatay ng anim na militanteng aktibista sa Batangas, Cavite at Rizal noong Marso.
Ito naman aniya ay para na rin matiyak na mapoprotektahan din ng mga batas ang 16 pulis-Calabarzon at isang tauhan ng PNP – CIDG.
“Our respect for the DOJ action to prosecute the 17 PNP personnel extends as well to the individual rights of the police respondents to due process and equal protection of law,” dagdag pa ni Alba.
Noong nakaraang Miyerkules, inanunsiyo ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang rekomendasyon na sampahan ng kasong murder ang 17 pulis na sangkot sa pagkakapatay kay Bagong Alyansang Makabayan-Cavite organizer Emmanuel Asuncion.
Samantala, hindi pa tapos ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pag-iimbestiga sa pagkamatay ng mag-asawang Ariel at Chai Evangelista, na kapwa miyembro ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwawasak sa Kalikasan at Kalupaan, gayundin ang pagkamatay ng dalawang pinuno ng tribung Dumagat.