Lumusot na sa House Committee in Ways and Means ang mga panukala na madagdagan ang ibinibigay na diskuwento sa mga senior citizens sa bayad sa kuryente at tubig.
Sa pagdinig ng komite, pinagbigyan ang karagdagang exemption sa binabayarang utility bills ng mga nakakatanda sa bansa.
Sa mga panukala, mula limang porsiyento ay gagawing 10 porsiyento ang ibinibigay na diskuwento sa unang 150 kilowatt hours sa konsumo sa kuryente.
Samantala, ang mas mataas na diskuwento naman ay ibibigay sa unang 50 cubic meters ng sa konsumo sa tubig.
Ililibre na rin sa value added tax (VAT) ang singil sa buwanang konsumo ng mga senior citizens.
Layon ng mga panukala na amyendahan ang Section 4C ng RA 9994 o ang Expanded Senios Citizens Act of 2010.
Sinabi ni Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes na malaking tulong sa mga nakakatandang populasyon ang dagdag-diskuwento lalo na ngayon nagpapatuloy ang pandemya.
“Makatulong man lang tayong mapagaan kahit paano ang pasanin ng ating mga senior citizens na marami nang piagdaanang pagsubok sa pang araw-araw na gastusin lalong-lalo na sa usapin ng kanilang kalusugan,” sabi pa ng namumuno sa House Special Committee on Senio Citizens.
Umaasa si Ordanes na matatalakay ang panukala bago ang Christmas break ng Kongreso sa Disyembre 17.