Sen Manny Pacquiao, mainit na sinalubong sa CARAGA

Nakarating sa kauna-unahang pagkakataon si Senator Manny Pacquiao sa CARAGA region ngayong araw sa pagsisimula ng kanyang provincial sortie sa silangang bahagi ng Mindanao. Sa isang press conference matapos ang paglilibot sa bayan ng Bislig, Surigao del Sur, humarap si Pacquiao sa mga miyembro ng national at local media at sumagot sa ilang mga katanungan. Unang-una na rito ay ang tungkol sa usapin sa West Philippine Sea. Ani Pacquiao, “Dapat nating ipaglaban at protektahan ang karapatan natin sa West Philippine Sea. Hindi naman natin kailangang makipag-away sa China kasi kung tutuusin talaga, hindi natin kaya. Lahat naman ng problema mareresolba sa maayos na pag-uusap.  Pero if ever na papasukin nila ang Pilipinas, hindi natin papahintulutan yan. Para sa lupang hinirang natin, gagawin natin ang lahat. Sa pagpapa-drug test ng mga kandidato sa pagkapangulo,  natanong ang senador sa kanyang plano na maglabas din ng kanyang pinakabagong drug test result. Ang kanyang pahayag, “Wala namang problema sa side ko. Very much willing ako, pero sana yung test random dapat, at saka government institution ang mag-administer. Kasi pag private, pwedeng may duda kasi nandun yung posibilidad na manipulate yan eh. Makukuwestiyon ang authenticity ng resulta nyan.” Natanong din sa Pacquiao sa kanyang reaksyon sa sinasabing pagiging last priority ng Mindanao pagdating sa atensyon mula sa national government. Ayon sa senador “Sa totoo lang, kung ako ang masusunod, gusto kong i-push ang local autonomy. Yung fund ng national government, pasahan din ang local, kasi sila ang nakakaintindi at nakakaalam ng mga problema sa local, para sila na mag-implement, para may development. Makikinabang ang mag probinsya at bayan ng Mindanao dyan kasi di nila kailangang mag-intay kung kailan makakaabot sa kanila ang tulong mula sa national. Kasi nasa kanilang mga kamay na ang kailangan nila, mas makakakilos sila ng mabilis para sa kani-kanilang mga pangangailangan.” Sa kung ano ang maitutulong niya sa local front, partikular sa probinsya ng Surigao, sagot ni Pacquiao.” Libreng pabahay at hanapbuhay lalong-lalo na para sa mga mahirap at nangangailangan. Ipagpapatuloy ko ang nasimulan ko na. Priority natin yan. Ngayon para maisakatuparan natin yan, kailangan mahinto ang korapsyon. Kasi kesa mapunta sa mga mandarambong, dyan natin ilalaan ang pera. Ipapakulong natin ang mga corrupt. Gusto kong magkaisa tayo sa campaign ko. Yung ginagawa ko, hindi para sa sarili ko, kundi para sa Bayan.” Kasunod na pinuntahan ni Pacquiao ang bayan ng Cagwait. Alas  nuebe na ng gabi dumating ang Team Pacquiao sa lugar kung saan libong-libong residente ang naghihintay. Ramdam ang mainit na pagsalubong ng mga residente ng Cagwait kay Pacquiao. Tampok na aktibidad  sa lugar ang pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap sa kugar. Kasunod na dinaluhang aktibidad ni Pacquiao ang  pakikipagkita at pakikipag-usap sa mga kandidatong kaalyado sa Promdi Party sa Tandag, Surigao del Sur. Sa pangalawang  araw ni Pacquiao sa CARAGA ay muling magsasagawa ng serye ng munting pagtulong  sa Tandag at Siargao.

Read more...