Umaasa pa rin ang Department of Education (DepEd) na tataas pa ang bayad sa mga guro na magsisilbi sa eleksyon sa susunod na taon.
Ayon kay Sec. Leonor Briones, bagamat hindi naibigay ang hiningi nilang dagdag sa bayad sa mga guro, pinasasalamatan na rin nila ang Commission on Elections (Comelec) bagamat aniya, umaasa pa rin sila sa posibleng dagdag sa honoraria, allowances at benepisyo ng mga guro.
Noong Hunyo, ang inihirit ng DepEd ay P9,000 para sa mga chairperson; P8,000 sa electoral board members; P7,000 sa DepEd Supervisor Official at P5,000 sa support staff.
Humirit din ang kagawaran ng health insurance coverage para sa COVID-19, on-site swab testing, shifting, tax exemption at iba pang benepisyo.
Ngunit sa inilabas na resolusyon ng Comelec, ang naaprubahan ay P7,000 para sa mga chairperson; P6,000 sa election board members; P5,000 sa DepEd Supervisor Official at P3,000 sa support staff.
Tatanggap din sila ng P2,000 travel allowance, P1,000 sa araw ng final testing at sealing ng Vote Counting Machines at sa araw mismo ng halalan at limang araw na service credits.