Inaasahang magtatakda ang korte sa La Union ng pagdinig para sa mosyon ng Department of Justice (DOJ) na mabaligtad ang pagkakabasura sa drug case ni Julian Ongpin.
Sinabi ni Prosecutor General Benedicto Malcontento na inihain nila ang mosyon, araw ng Huwebes (November 25).
Aniya, kung papayagan ng korte, maghahain sila ng ebidensiya para suportahan ang kanilang mosyon.
Magugunitang noong Nobyembre 15, ibinasura ni Judge Romeo Agacita Jr., ng San Fernando City RTC, ang inihain kaso laban kay Ongpin base sa pagkakadiskubre mga pulis ng 12.6 gramo ng cocaine sa hotel room nila ng Bree Jonson.
Nagtungo ang mga pulis sa kuwarto matapos madiskubre ang walang malay na si Jonson sa banyo at wala na itong buhay nang dumating sa ospital.
Naging person of interest pa sa pagkamatay ni Jonson si Ongpin.
Ikinatuwiran ng hukom sa kanyang desisyon na hindi nasunod ng mga pulis ang nakasaad sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa pagkumpiska sa cocaine.