Tiniyak ni Senator Christopher Go na anuman ang kanyang maging kapalaran sa eleksyon sa susunod na taon, magpapatuloy ang kanyang pagseserbisyo sa bansa at mamamayan.
Kandidato sa pagka-pangulo si Go ng alyansa ng PDP-Laban at Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS).
Ipinangako nito na magiging prayoridad pa rin niya ang pagsusulong sa kapakanan at interes ng mga Filipino.
“Gaya ng sinabi ko sa inyo, ang puwede ko lang pong ipagmalaki sa inyo ang bisyo ko po ay magserbisyo. Kung trabaho lang po ang pag-uusapan bilang Pangulo, alam ko po ang trabaho ng isang Pangulo. I have been there sa tabi ni Pangulong Duterte,” sabi nito.
Una nang sinabi ni Go na napakahirap na maging kandidato sa pagka-pangulo at maging ang kanyang pamilya ay nahihirapan na din.
Ngunit pagdidiin niya, tinanggap niya ang hamon at ipinapasakamay na lamang niya sa taumbayan ang kanyang kapalaran sa papadating na halalan.
“Kung ang pag-uusapan mo kung buo ang loob ko, buo ang loob ko na magserbisyo po sa aking kapwa Pilipino. Buong-buo po ‘yan, buong panahon ko, buong katawan ko ibibigay ko po para sa Pilipino pero ibang usapan po itong kampanya marami pong nahihirapan,” aniya.