Kahit pumasa sa admission tests, may mga mag-aaral ang hindi pa rin nakapasok sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo sa bansa.
Ito ang sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian matapos ang konsultasyon sa mga namumuno sa state universities and colleges (SUCs) at ilan sa mga dahilan ay kakulangan sa mga silid-paaralan, laboratory, pasilidad at mga guro.
“Nakakapanghinayang na hindi napapakinabangan ng maraming mga deserving at qualified na mag-aaral sa kolehiyo ang libreng matrikula dahil lang sa kakulangan sa kapasidad ng ibang mga paaralan,” ani Gatchalian, na kabilang sa nag-akda ng Free Higher Education Law.
Binanggit pa nito na base sa United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) Institute of Statistics, 41 porsiyento ang participation rate sa higher education, kabilang na ang enrollment sa Technical-Vocational Education and Training (TVET).
Ito ay pang-apat sa hanay ng mga miyembro ng ASEAN.
Pinuna din nito ang pangangailangan para sa isang roadmap upang matugunan ang mga kinahaharap na hamon ng SUCs sa usapin ng kanilang kapasidad.
Mula sa P38 bilyong noong 2020, ang pondo para sa Free Higher Education Law at umakyat ito sa P44 bilyon ngayon 2021. Sa susunod na taon ang pondo ay ginawang P46 bilyon.