Naninindigan si Defense Secretary Delfin Lorenzana na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang Ayungin Shoal.
Inihayag ito ni Lorenzana kasunod nang utos ng China na dapat alisin ng Pilipinas ang isinadsad na Philippine Navy ship sa Ayungin Shoal.
Ibinahagi ng kalihim na ang Ayungin Shoal ay may distansiyang 174 nautical miles mula sa Puerto Princesa City sa Palawan kayat nasa loob ito ng exclusive economic zone ng bansa.
Dagdag pa niya na ang EEZ ay ibinigay sa Pilipinas sa pamamagitan ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na niratipikahan din ng China.
“China should abide by its international obligations that it is part of,” diin ni Lorenzana.
Binanggit din ng kalihim ang pagkakapanalo ng Pilipinas sa 2016 Arbitral Ruling, kung saan sinabin ng Permanent Court of Arbitration na ang pag-angkin ng China sa West Philippine Sea ay walang legal na basehan, gayundin sa kasaysayan.