‘Tandem vote’ sa presidential at vice presidential candidates naiisip ni Sen. Win Gatchalian

Ikinukunsidera na ni Senator Sherwin Gatchalian ang paghahain ng panukala na magbibigay daan para sa tinatawag na ‘tandem vote’ sa mga kandidato sa pagka-pangulo at pagka-pangalawang pangulo.

Paliwanag niya, ito ay katulad ng ginawa sa US para matiyak na ang mahahalal na pangulo at pangalawang pangulo ay magmumula sa iisang partido.

“Dapat gawing tandem ang pagboto sa president at vice-president. Sa pagpili ng presidenteng iboboto, kasama na dapat sa konsiderasyon ang napiling running mate nito sa pagka bise presidente. Unang-una, mas maigi na magkapareho ang platapormang sinusulong ng presidente at bise presidente para manatiling buo o solido ang pagpapatakbo ng administrasyon. Pangalawa, kung magkaalyado sila at sakaling may mangyari sa presidente, maipagpapatuloy ng bise ang nasimulan ng presidente,” paliwanag ng senador.

Dagdag pa niya, sa ‘tandem vote’ ang paghalal ay ibabase sa plataporma at hindi sa personalidad.

Aminado naman si Gatchalian na hindi na ito maikakasa sakaling maging batas sa papalapit na halalan sa susunod na taon.

Aniya kailangan lang ng maliit na pag-amyenda sa Saligang Batas.

“Hindi nakakatulong sa atin kung magkaiba ang pananaw ng presidente at bise presidente sa mga polisiyang dapat na itinataguyod ng administrasyon lalo na kung mababahiran ito ng pamumulitika,” sabi pa nito.

Read more...