‘Bwisit remark’ sa mga kapwa senador, binawi; Sen. Bato dela Rosa nag-sorry

SENATE PRIB PHOTO

Humingi na ng paumanhin si Senator Ronald dela Rosa sa mga kapwa senador na tinawag niyagng ‘bwisit’ dahil sa panawagan na bawian ng pondo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Inamin ni dela Rosa ang pagkakamali at aniya nadala lamang siya ng matinding pagkadismaya at emosyon.

“I am really very sorry. Very inappropriate ‘yung nasabi kong bwisit sila. Nasobrahan ‘yung aking emotion, nadala ako, kaya mag-apologize na lang ako sa kanila. Maling mali ‘yung nasabi ko kahapon. Nadala ako sa aking emotion,” sabi nito.

Paglilinaw pa niya ang kanyang pahayag ay para sa mga pulitiko na nais alisan ng pondo ang NTF-ELCAC at hindi sa mga tinapyasan ng pondo ang task force sa susunod na taon.

Kahapon nasabi ni dela Rosa ang, “Sabihin ko sa kanila—ito pangit pakinggan eh—pero bwisit sila.”

“I-abolish kung kailan naging successful ‘yung ahensya sa paglaban sa terorismo, paglaban sa insurhensya, i-abolish nila? Ano, puro pamumulitika na lang talaga ang iniisip nila, na porke nasa oposisyon sila, gusto nila hindi maging successful itong administrasyong Duterte sa paglaban ng problema ng ating bansa? Ganun na lang talaga ang utak nila? Bwisit,” dagdag pa nito.

Agad naman nagbigay ng reaksyon si Senate Minority Leader Frank Drilon at pinagsabihan si dela Rosa na sumentro na lamang sa tunay na isyu.

 

 

Read more...