Mga senador negatibo sa RT – PCR test, budget deliberations tuloy ngayon araw

SENATE PRIB PHOTO

Negatibo ang lahat ng senador na sumailalim sa RT-PCR test sa huling araw ng kanilang isolation kahapon.

Ito ang ibinahagi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri kayat tuloy ang pagsisimula muli ng sesyon para talakayin ang 2022 budget ng ibat-ibang kagawaran at ahensiya ng gobyerno.

Noong Miyerkules, sinuspindi ni Senate President Vicente Sotto III ang deliberasyon matapos mag-positibo sa COVID 19 test si Defense Sec. Delfin Lorenzana.

Ngunit agad nagpahatid ng mensahe si Lorenzana at sinabi na ‘false positive’ ang resulta at nag-negatibo na siya sa confirmatory testing.

Gayunpaman, itinuloy na rin ng mga senador ang kanilang five-day isolation.

Ngayon, sisimulang ang deliberasyon sa pondo sa susunod na taon ng Department of Transportation (DOTr) na iisponsoran ni Sen. Grace Poe.

Susundan ito nang pag-isponsor naman ni Sen. Pia Cayetano sa budget ng Department of Education, bago ang Presidential Communications and Operations Office na iisponsoran ni Sen. Richard Gordon.

Inaasahan na hahabulin ng mga senador ang nawalang isang araw na deliberasyon para maipasa ang 2022 General Appropriations Act sa takdang araw.

Read more...