Ayon sa Tugon Kabuhayan, isang food security advocacy group, sa halip na makatulong ang pag-aangkat ng 60,000 metriko tonelada ng galunggong, nakagulo pa ito at nakaapekto sa aquaculture sector.
Paliwanag ni dating Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) chief Asis Perez, nakapag-adjust na ang aquaculture sector sa usapin ng produksyon sa tuwing magpapatupad ng ‘closed fishing season’ sa galunggong.
Diin pa ng Tugon Kabuhayan convenor hindi isyu sa kanila ang importasyon, kundi ang hindi pa rin pagbaba ng halaga ng galunggong sa mga pamilihan at ito ay nasa P200 – P240 kada kilo.
Ani Asis ito pa rin ang presyo ng isda bago man maipasok sa bansa ang mga imported na galunggong.
Nabanggit niya na mas mura pa rin ang bangus at tilapia na P120 at P160 lamang ang kada kilo.
Sa palagay ni Asis maling hakbang ang ginagawa ngayon at paniwala pa niya hindi ito ang pangmatagalang solusyon sa problema.
Nakakadagdag pa sa problema sa suplay, sabi pa nito, ang pagbabawal ng China sa mga mangingisdang Filipino na makapanghuli sa bahagi ng West Philippine Sea.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority, sa kabuuan ng 2020 umabot na sa 22.125 milyong kilo ng galunggong ang inangkat ng Pilipinas mula sa China.