Ibinahagi ni Senator Panfilo Lacson na sakaling siya ang magiging susunod na pangulo ng bansa bibigyan niya ng bagong mukha ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sinabi nito na mula sa pagbibigay ng tulong-pinansiyal, gagawin niyang daan ang programa para magkaroon ng oportunidad sa kabuhayan at trabaho ang mga mahihirap na Filipino.
Dapat aniya ay padaliin at alisin ang pagkaka-ulit ulit ng mga programa para sa mga mahihirap para maiwasan ang pag-aaksaya ng pondo.
Ayon kay Lacson ang tanging paraan para tunay na makatawid mula sa kahirapan ang mga Filipino ay ang pagkakaroon ng trabaho o kabuhayan.
Dagdag pa niya kailangan ang pagkakaroon ng ‘Balik Trabaho’ program para sa mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya, bukod sa ‘cash-for-work’ program na ikakasa sa tulong ng pribadong sektor.
Kailangan lang din aniya ay paghusayin pa ang kaalaman at kakayahan ng mga manggagawa para sa kanilang sariling pag-unlad.