Dumating na sa bansa ang Molnupiravir (Molnarz), ang kauna-unahang gamot na iniinom kontra COVID-19.
Ito ang inanunsiyo ng Faberco Life Sciences Inc., isang pharmaceutical company sa Pilipinas, na isa sa mga kauna-unahang kumpanya na nagdala ng Molnupiravir sa bansa.
Ang Molnupiravir ang kauna-unahang “oral antiviral drug” na iniinom upang pigilan ang paglala ng kaso ng COVID-19 na nangangailangan ng pagpapaospital.
Ang Molnupiravir ay dinivelop ng Merck & Co, Inc. (MSD), isang multinational company na nagbigay ng lisensiya sa walong kilalang tagagawa ng generic na gamot sa buong mundo, kabilang ang manufacturer ng Faberco, ang Aurobindo Pharma Ltd., para sa mga low hanggang middle-income na bansa.
Ang Molnupiravir (Molnarz), ng Faberco ay maaaring magamit sa Pilipinas sa pamamagitan ng Compassionate Special Permit (CSP) na inisyu ng Food and Drug Administration (FDA) sa bansa.
Bagamat hindi pa mabibili ang naturang gamot sa mga botika, pinili ng Faberco ang RiteMed Philippines Inc. upang maging distributor ng Molnupiravir (Molnarz) sa pribadong sektor kabilang na ang mga ospital, medical institution at treatment site sa ilalim ng “compassionate use.”