Lumipat na si Rep. Ronnie Ong sa AP Partylist.
Tatakbo si Ong bilang first nominee ng AP Partylist para sa 2022 national elections.
“Ako ay nagpapasalamat sa AP Partylist para sa nominasyon na maging representante na ipaglalaban ang ating mga adbokasiya,” pahayag ng kongresista.
Iniakda ng mambabatas ang Foundling Welfare Act, Senior Citizen Employment Act at Vaccine Passport Act.
Siya rin ang may akda ng 105 na panukalang batas at kapwa may akda ng 46 na iba pang panukala.
Isa si Ong sa mga personal na bumibisita sa iba’t ibang lugar upang maghatid ng tulong sa mga sektor na lubhang apektado ng COVID-19 pandemic.
“Ang matagal ko nang kaibigan, ang premyadong actor na si Coco Martin, ay patuloy na sumusuporta sa akin,” ani Ong at dagdag nito, “Sabay naming ginawa ang desisyon na lumipat sa grupo ng AP Partylist dahil ang mga sektor na sakop ng AP Partylist ay akma sa aming mga sariling adbokasiya at mga kababayan nating higit na nangangailangan ng ating tulong at paglilingkod.”
Inihayag ng mambabatas na mahalagang bahagi ng pagbangon sa nararanasang krisis ang sektor ng transportasyon.
“Kailangan nating isulong ang mga polisiya at batas na makakatulong sa sektor na ito upang tayo ay makapagbigay ng kabuhayan para sa ating mga kababayang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya,” saad nito.