Sen. Go, papalagan ang budget cut sa NTF – ELCAC

Tiniyak ni Senator Christopher Go na hindi niya susuportahan ang anumang pagbawas sa pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Sinabi nito na ayaw niyang mabalewala na lamang ang mga proyekto at programa ng NTF-ELCAC na para matugunan ang problema sa mga rebelde, gayundin ang ugat ng mga ito.

“Ako ay lubos na naniniwala sa NTF-ELCAC at sa anti-insurgency campaign nito. Now is not the right time to make such a drastic move considering that the government’s campaign to end armed conflict is gaining momentum,” sabi nito.

Aniya, siya mismo ay nasaksihan niya ang mga magagandang naidulot ng mga programa ng NTF-ELCAC.

“Sa aking pag-iikot sa bansa, nasaksihan ko mismo kung paano nakatulong ang NTF-ELCAC sa ating mga kapatid na Pilipino na nais magbalik loob sa ating lipunan. Bukod dito, nakakatulong din ang programang ito sa pagpondo ng barangay development lalo na sa mga malalayong lugar, upang hikayatin ang ating mga kababayan na huwag mamundok,” dagdag pa ni Go.

Mula sa P28 bilyon, ibinaba sa P4 bilyon ng mayorya ng mga senador sa pangunguna ni Sen. Sonny Angara, ang namumuno sa Senate Finance Committee, ang pondo ng NTF-ELCAC para sa susunod na taon.

Katuwiran ng mga senador, nabigo ang mga ahensiya na nag-ambag na maipaliwanag kung saan napunta ang ibinahagi nilang pondo.

Read more...