Sa courtesy call ni Moreno sa Bataan Provincial Capitol, araw ng Miyerkules (November 10), sinabi ni Garcia na tumulong ang 47-anyos na alkalde sa pagpapabilis ng COVID-19 vaccination rollout sa probinsya.
“Siya po ang tumulong sa atin na magset-up ng ating cold chain facility, kaya dumating agad ang supply ng bakuna dito sa Bataan,” ani Garcia.
Lubos din ang pasasalamat nito kay Moreno sa pagtulong na makakuha ng kinakailangang gamot para sa mga pasyenteng apektado ng nakahahawang sakit.
“Pangalawa, gusto ko rin pong samantalahin ang pagkakataong ito na iyong panahon ng pandemya na ang dami pong naghahanap ng gamot lalo na po ‘yung binili nating Remdisivir at Tocilizumab, ang hirap banggitin, ang hirap hanapin. Yung mga kababayan natin na nangangailangan ng Tocilizumab, marami pong natulong si Yorme sa ating mga kababayan,” saad ng gobernador.
Binati naman ng Presidential aspirant si Garcia para sa puspusang pagtatrabaho upang mapabuti ang kalagayan ng mga residente sa Bataan.
“Magaling kayo, marami kayong industriya na naitaguyod. Congratulations Gov. Albert. Magsasaka, mangingisa, planta, turismo, land development, industriya. So pagka-ganun naman lahat ng governor wala ng masyadong problema ang national government. Sa totoo lang, mas magaling ang LGU talaga,” pahayag ni Moreno.