Nanawagan si Education Sec. Armin Luistro sa lahat ng mga pulitiko at kanilang mga taga-suportahan na lubayan ng pangha-harass ang mga gurong magsi-silbi mamaya sa halalan.
Labis kasing ikinaba-bahala ni Luistro ang kalagayan ng mga guro na kadalasang sinisisi at pinagbubuntunan ng sama ng loob ng mga kandidato at mga taga-suporta ng mga ito kapag sila ay natatalo.
Bukod dito, kadalasan ring pinagbibintangan ang mga gurong nagsisilbing board of election inspectors (BEIs) na may kinalaman sa dayaan.
Ayon kay Luistro, ginagawa lang ng mga guro ang kanilang mga trabaho, at kung mayroon mang gumawa ng mali, mayroong tamang proseso para dito kaya huwag na sanang bantaan ang mga ito.
Aniya pa, kung pinaghihinalaan na may kinalaman nga ang mga guro sa dayaan, dapat itong isumbong at mai-dokumento nang maisailalim sa tamang proseso.
Giit pa ni Luistro, sinanay at tinuruan ang mga guro sa kanilang mga gagawin sa halalan at nakatitiyak siyang gagawin nila ang tamang gawain.
Samantala, dahil inaasahang magiging mainit ang labanan sa halalan ngayong taon, umapela rin si Luistro sa mga guro na ipagpatuloy ang tradisyon ng pagiging objective at pagbibigay ng “effective service.”
Para sa taong ito, nasa mahigit 277,000 na mga guro ang tutulong na maging mapayapa at maayos ang halalan.
Makakatanggap ng P4,500 na honorarium ang mga BEIs mula sa Commission on Elections (COMELEC), habang ang mga DepEd supervisors ay makakatanggap ng P3,000, at P1,500 naman para sa mga 1,500.
Naglaan rin ang COMELEC ng P300 million para sa mga mga mabibiktima ng karahasan na may kinalaman sa eleksyon para sa mga DepEd at non-DepEd personnel na naka-duty sa halalan.