Naninindigan si Senator Manny Pacquiao na wala ng atrasan ang kanyang pagtakbo sa 2022 presidential race.
“Walang atrasan.Tuloy ang laban,” diin ni Pacquiao matapos kumalat ang haka-haka na aatras siya matapos ang pagkikita nila ni Pangulong Duterte noong Martes ng gabi sa Malakanyang.
Sinabi nito na ang pagkikita nila ng Punong Ehekutibo ay ikinasa ng kanilang malalapit na kaibigan at hindi ukol sa pulitika ang napag-usapan.
“It wasn’t political meeting, but it provided us an opportunity to talk about our shared vision vision for Mindanao,” sabi ni Pacquiao.
Magugunita na nagkaroon ng lamat ang relasyon nina Pangulong Duterte at Pacquiao dahil sa isyu ng korapsyon sa gobyerno.
Ang pagkikita at pag-uusap ng dalawa noong Martes ng gabi ang una matapos tumindi ang kanilang hidwaan.
“Hindi nagbabago ang paninindigan ko sa pagtakbo bilang Pangulo. Ipakulong ang mga kawatan at iangat ang buhay ng mga mahihirap nating kababayan,” dagdag pa ng senador.